Monday, July 30, 2012

Nagsimula ang Lahat sa PNR

Nagsimula ang lahat sa PNR; sa tren na kinaiinisan ko dati. Mainit, mabagal, siksikan, minsan late dumating, hindi ka makakaupo, pero sa dinami-rami ng taong nakasakay doon isang araw pagkatapos ng klase, 'di ko akalain na isa pala sa kanila ang nakatadhana para sa akin.

Hindi ko alam kung bakit ako naluluha habang isinusulat ko ito. Tuwing inaalala ko kasi kung paano kami nagkakilala noon pakiramdam ko nangyari lang kahapon. Ang sarap kasi balik-balikan. Kapag iniisip ko kung ano kami noon at kung ano ng meron kami ngayon, napaka-magical. From strangers to lovers ba naman e. Alam ko naman na yung ibang love stories nagsimula din sa strangers muna. Pero nangyari din kaya sa kanila na nagkasabay lang, 'di nagkakilanlan, 'di na nagkita ng mahabang panahon, pero muling natagpuan ang isa't isa? Tadhana e. At sinong mag-aakalang parehas pala naming gusto ang isa't isa mula noong nagkasabay kami? 

Hindi ko mahanap ang tamang salita para ilarawan kung gaano kasaya ang magkaroon ng ganitong kapalaran. Kumbaga sa mga tula, mga nobela, at mga kanta, originally written ang love story namin. Marahil ay tinatanong nyo sa mga sarili nyo kung sa panahong ito ay may lalaki pang seryoso. Meron po! At mapalad ako dahil isa ako sa napagkalooban nito. Hindi man sya mala- santo sa kabaitan, pero alam ko at ramdam ko na minamahal nya ako ng totoo. Tulad ng ibang lalake, tumitingin din sya sa magagandang babae pero 'di tulad  ng iba sya yung tipo ng lalake na sasabihin sayo "Mas maganda nga sya sayo kasi ayos na ayos sya. Pero ikaw, simple ka lang at yon ang pinakagusto ko sayo." Haay. Kung pwede ko lang syang pakasalan agad-agad e. Pero syempre joke lang. Matagal pa 'yon. Di ko pa nga sya sinasagot e. Hehe. Mahigit isang taon na pala syang nanliligaw sa akin. Mahigit isang taon na din syang nagtitiis sa ugali kong nakakainis. At eto ang masasabi ko, 'yang pagtitiis na yan, hahaba at tatagal pa dahil pipilitin kong umabot kaming magkasama at nagmamahalan hanggang habangbuhay.

Jf, you are the best thing that's ever been mine. 

Thursday, July 26, 2012

Break-up





"Ang sakit. Ang sakit-sakit Ate Shang. Di ko alam kung bakit nya ginawa yon." Paano kung ikaw ang nakatanggap ng tawag na gan'to ang sinasabi sayo? Isang tawag mula sa isang kaibigan na sobra mong pinahahalagahan at sobra mong mahal? Haay. Ramdam ko na sobra syang nasaktan. Halos 'di sya makapagsalita kakaiyak. Putol-putol ang mga salitang binibitiwan nya kakahikbi. Habang kausap ko sya sa cellphone parang gusto ko syang yakapin kaagad, kung posible nga lang talaga ang teleport. 

"Sya po yung nakipag-break sa akin." Pagkarinig ko ng mga salitang iyon, pinilit kong magbalik-tanaw sa naging pagsasama nila. Kung ang lalake ang nakipag-break, ibig sabihin ang babae ang problema? O nahihirapan sya sa babae? Inalala ko lahat. Lahat. Kung ano ba ang naging pagkukulang ng kaibigan ko, pero eto ang mga naproseso ng utak ko: Sya yung tipo ng babae na maya't maya mangamusta. Yun bang parang first time nila laging magkakausap at first time nyang maririnig ang boses ni lalake. Ayaw nya siguro ng ganon?; Sya yung tipo ng babae na ipamamalita sa lahat na "Eto ang boyfriend ko!" As in sa lahat. Sa pamilya, sa mga kamag-anak sa abroad, sa mga kaibigan, sa mga kaklase, sa facebook, sa twitter, sa tumblr, sa lahat. Ayaw nya din siguro na madaming nakakaalam?; Sya yung tipo ng babae na sa bawat araw na magkikita kayo, gusto nya may pictures together. Kahit kanino kasi ganoon sya. Gusto nya cherished ang bawat oras. Yung mababalik-balikan nya kahit sa litrato lang yung mga nangyari ng araw na yon. Siguro ayaw nya din ng masyadong nagpipicture?; Sya yung tipo ng babae na kahit kakalipas palang ng 1minuto na nag-I love you sya, uulitin nya ulit. Kilala ko kasi yon e. Minsan sa sobrang saya at sa sobrang in love sya, wala ng pagsidlan kaya nasasabi nya nalang I love you ng paulit-ulit. Ayaw nya siguro ng masyadong sweet?; Sya yung tipo ng babae na susuway sa curfew para lang mas makasama ng matagal yung taong importante sa kanya. Di bale ng mapagalitan sya sa kanila basta masisiguro nyang magiging memorable yung araw na iyon. Ayaw nya din siguro ng ganon?; Sya yung tipo ng babae na maya’t maya kang ipagdadasal. Hindi kasi sapat na pagmamahal lang nya ang ibuhos nya kundi pati ang pagmamahal ng Diyos. Ayaw nya siguro na lagi syang inaalala? Sya yung tipo ng babae na sobra magmahal. Sa sobrang magmahal, sobra na ding nasasaktan.

Break-up. Posible pala ang break-up kahit sobra-sobra mo ng minamahal yung isang tao. Kahit binibigay mo na ang lahat-lahat mo. Naisip ko lang, ano pa kayang kulang?

Naipaglaban nya ang salitang “Mahal Kita” sa kabila ng mga natuklasan nya noon. Umiyak sya. Nasaktan sya. Nahirapan sya. Nagpatawad sya. Nagbigay sya ng pangalawang pagkakataon. Mahal nya nga kasi e. Kaya kahit sinasampal na sa kanya ang mga salitang sa taong pinakamamahal nya nanggaling, nagbulag-bulagan sya. Saksi ako doon. Pero ayaw nyang making sa amin. Mahal nya daw at di nya kayang iwan. Di ko sya masisi sa mga oras na iyon. Pagkatapos nyang magpatawad at magbigay ng pangalawang pagkakataon, iniwan sya. Ang pinakamasakit sa lahat. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Nalulungkot ako na naiinis. Nalulungkot dahil nangyari ‘to, at naiinis dahil sa pangalawang pagkakataon at luha na nasayang. Hindi kasi lahat ng tao napagkakalooban ng pangalawang pagkakataon at maswerte sya noong mga oras na iyon.

Sa sarili kong pananaw, parehas silang may pagkakamali- dahil mabilis na nahulog si babae kung kaya't di nya masyadong nakilala si lalake, at sa pag-iwan ni lalake kay babae ng walang malinaw na dahilan. Pero gaya nga ng sabi ni Billy Crawford sa ex-girlfriend ni Yves ng PBB Teens sa Showtime kanina "Bata ka pa! Lalake lang yan! Napaka-daming lalake sa mundo na mas deserve mo kaya wag kang malulungkot!" 

Huwag kang malulungkot. Please, wag kang malulungkot. Pwede naman umiyak, pero sana sa mga susunod na araw tigilan mo na at ngumiti ka naman. Sa katunayan, proud ako sayo. Dahil 'yang mga luha na 'yan, simbolo yan na nagmamahal ka ng totoo. Di ka naman masasaktan kung hindi mo mahal ang isang tao. Pero 'di yan ang katapusan. Pag may kinuha sayo na mahalaga sayo, sinisiguro kong may kapalit na mas best pa dito. Di man siguro boyfriend, pero malay mo ang kapalit pala non ay mas matatag na IKAW.

Ngumiti ka naman dyan. Ang dami naming nagmamahal sayo o. :)


Monday, July 23, 2012

Kaibigan Pa Din Ba Ako?

July 23, 2012- Nakakalungkot na araw 'to kahit nasa bahay lang naman ako buong araw. Siguro dahil sa panaginip ko. Mga pamilyar na tao yung mga kasama ko doon. Yun nga lang, pakiramdam ko nag-iisa padin ako. Tandang tanda ko lahat ng pangyayari sa panaginip ko- detalyado; yung maalikabok at matarik na kalsada na tinakbo ko, yung mabilis nilang paglakad habang ako nahuhuli at humahabol sa kanila, yung abandonadong bahay na pinagtaguan ko para umiyak, lalong lalo na yung sinabi nilang "Sino ka ba? Kilala ka ba namin?" Masakit kahit panaginip lang. Ganoon din kasi ang nararamdaman ko kahit gising ako. Bawat araw na lumilipas parang tinatanong nila ako ng sino ako at kung kilala ba nila ako. Oo kilala nyo ako. Kaibigan nyo ako. Kaibigan...


Kaibigan pa 'din ba ako? Kailangan pa 'din ba nila ako? Kasalanan ko din. May mga pagkukulang kasi ako. Sa dami kasi ng mga dapat kong gawin hindi ko na alam kung sino at ano ang uunahin. May ama ako na gustong magsubsob ako sa pag-aaral kahit graduate na ako ng college, "Magreview ka ng gan'to. Mag-exam ka ng ganyan. Mag-aral ka noon." Nagseserve ako sa simbahan na kinalakihan ko na. Mahirap iwan e. Lalo na yon ang may malaking porsyento ng impluwensya sa buong pagkatao ko. May sarili akong problema na kinahaharap. Alam nyo na, sakitin. Haay. Kung kaya ko lang ibalik yung nakalipas, ginawa ko na. Di ko namang gustong umabsent sa mga pagkakataong iyon. Kung pwede lang akong mag-multiply at puntahan ang lahat ng dapat kong puntahan. Minsan gusto kong tanungin ang bestfriend ko kung galit ba sya sa akin. Dahil sobrang lapit na nga lang bahay namin sa isa't isa, hirap pa kaming makapag-bonding at makapagkita. Madalang makapagtext, at makapag-chat. Minsan dumadating sa punto na may iba na syang nakakasama at nakakapalagayan ng loob. Yun bang parang bestfriend nya na din. Pero paglubog ng araw, nakakatuwang isipin na sasabihin nya sayong "Madami man akong nakakasalamuha, hindi man tayo madalas magkasama, forever best friends tayo." Forever. Sana lahat ng mga kaibigan ko forever nadin. Di bale ng madagdagan wag lang mababawasan. Sana. Hinihiling ko palang pero isinasampal na sa akin ang katotohanan na hindi yon mangyayari. Gusto ko lang naman malaman, kaibigan pa 'din ba ako?



Sunday, July 22, 2012

Bakit ka Naghihintay?

Kung may isang oras na lamang na nalalabi sa buhay mo anong gagawin mo? Sino ang gusto mong makasama? Sino-sino ang sasabihan mo na mahal mo sila? Paano mo ipararamdam sa kanila na mahalaga sila? At kung sa oras na ito ay nabubuo sa isipan mo ang mga tao at mga bagay na maaaring naroon sa natitirang isang oras ng buhay mo balang araw, bakit mo ito pinagpaplanuhan kung pwede mo namang gawin na ngayon?


Marami sa atin ang nag-uubos ng oras magpayaman, magpaganda, magpasikat, at nagpupumilit makahakot ng napakaraming karangalan. Naisip ko lang, kung mamatay kaya ako at lahat ng mga mahal ko sa buhay ay naroon sa burol ko, sasabihin kaya nila na "Mami-miss ko sya kasi ang yaman nya.", "Mami-miss ko sya kasi ang ganda nya at sobrang sikat sya.", "Mami-miss ko sya kasi ang dami nyang medal na naiuwi sa bahay nila." Gusto kong maalala ng mga tao 'di dahil sa kung anong mayroon ako o sa katayuan ko. Mas gusto kong maalala nila ako dahil naging mabuti ako sa kanila. Siguro ganoon din naman kayo diba? Hindi ko na hihintayin ang matitirang isang oras ng buhay ko balang araw para lamang makasama ang mga taong mahalaga sa akin. Ang bukas ay parating pa lamang; ang mayroon tayo ay ngayon. Bakit mo pa ipagpapabukas na hagkan o halikan ang mga mahal mo sa buhay kung kaya mo naman gawin ngayon? Bakit mo pa hihintaying bawiin na sayo ang buhay mo bago mo sabihing mahal mo sila? Bakit mo pa sasaktan ang isang tao kung kaya mo namang gumawa ng kabutihan sa kanya? Bakit mo pa hihintaying malagas ang dahon sa iyong kapanahunan kung maaari ka namang magpatawad na ngayon? Bakit?

Ang paniniwala ko'y may buhay na naghihintay sa atin pagkatapos ng kamatayan. Yun nga lang, ang buhay na haharapin natin doon ay nakasalalay sa klase ng buhay na pinamumuhunan natin ngayon. Kung ang puhunan mo ay buhay na puno ng pagmamahal, bukal sa kabutihan, at may takot sa Diyos, nakasisiguro akong ang gantimpala mo'y sobra-sobra pa sa hinihiling mo- buhay kasama ang Lumikha. Ngunit, kung ang puhunan mo sa mundong ito ay buhay na puno ng galit, kasamaan, at kapusukan, kailangan ko pa bang sabihin kung ano ang karampatang gantimpala non?

Masasabi kong isang oportunidad na maipahayag sa inyo ang kahalagahan ng bawat segundo na nilalagi natin dito sa mundo. Maging mabuti ka lamang sa mga tao sa paligid mo. Yun lang naman ang hinihiling sa atin. At nasisiguro ko, pag dumating ang nalalabing isang oras ng buhay mo, 'di mo na kailangang mangamba dahil alam mong nakapamuhunan ka ng maganda.


Saturday, July 21, 2012

PUP- Beef Submarine at Burger WITH LOVE

May mga simpleng bagay na maaalala mo at mamimiss mo nalang bigla. Yung ibang tao sasabihin sayo "Sus! Yun lang pala namiss mo!" Pero teka, kung yung simpleng bagay namimiss mo na, edi pano pa kung yung mga espesyal na sayo ang maalala mo?


Hatinggabi na pero gising padin ako. Magdamag akong nakababad sa harap ng kompyuter pagkagaling ko sa school (kumukuha kasi ako ng Teaching Units sa Pamantasan Lungsod ng Muntinlupa) ng mapadpad ako sa isang website na may naka-feature na burger. "Wow ang sarap naman nito." Kaya lang ang mahal naman. Habang binabaybay ko sa isipan ko yung mga salitang yon, napalunok ako at may naalalang pamilyar na pagkain na hinahanap-hanap talaga ng panlasa ko. Kumbaga, nakalipas na ang ilang buwan, alam na alam ko padin yung lasa non.


Grumadweyt ako sa unibersidad na masasabi kong lubos na naghubog sa isipan at pagkatao ko- ang PUP. Oo, kanlungan nga ito ng mga aktibista na laban sa gawain ng gobyerno na pananaw nila'y 'di makatao. Naiintindihan ko naman yung pinaglalaban nila. Pero 'di non matutumbasan ang ipinaglalaban at isinisigaw ng kaloob-looban ko; BURGER! BEEF SUBMARINE! Oo! Tama nga kayo ng nabasa! Sa apat na taon ng inilagi ko sa PUP, dalawa sila sa kumumpleto at nagpasarap nito. Tawag samin ng taga-ibang kolehiyo mga inggliserang naka-brown na palda. AB English kasi ang course namin at kulay tsokolate ang uniporme namin. Oo, maarte magsalita tulak ng pangangailangan at para maappply ang mga natututunan, pero sa oras na mapadpad ka sa North Wing canteen at maaninag ang stall kung saan nakalagak ang kumukulo-kulo pang beef submarine sa kawali ni Ate Suki at yung stall ng burger na may mahinhin na tindero, mag-i-English ka pa ba? Syempre hindi na! Di bale ng mawalan ng poise dahil sa dami ng estudyanteng nakikipag-gitgitan o humulas ang pulbo na kakalagay mo lang bago lumabas ng room dahil sa init. I JUST WANT MY BEEF SUBMARINE AND BURGER! Parang eksena sa tele-nobela na slow motion pa ang effect habang iniaabot sayo ni Ate Suki ang Beef Submarine mo at magmamarka ang ngiting di matutumbasan ng kahit sino pang lalake yan sa ABE 3-1D nung kapanahunan namin (HAHA! :)) Sobrang clue na yan ha.) kapag dumampi na sa kamay mo ang binili mo. "Oh Shang. Nakakatuwa naman bago yang binili mong ulam. Beef Submarine... Di ka ba nauumay apat na taon ganyan lagi inuulam mo?" Linya lagi ng mga kaklase ko. E ano bang magagawa ko kung loyal dyan sa pagkain na yan ang panlasa ko? Kung meron nga lang Loyalty Award sa stall ni Ate Suki na yon, "Naku! Thank you so much po sa award na 'to! I didn't expect this! I wanna cry!" Ehem! Alam nyo na siguro kung sino ang maaawardan. Ha? Ano yon? Nasa'n na yung burger? Ay syempre 'di ko malilimutan yon. Wala pa naman tayo sa oras ng uwian e! :) Pero dahil atat kayo eto na. Tuwing nagdidismiss na si Ma'am at magreretouch, bye-bye at beso sa mga kaklase, at bago humabol sa tren para makauwi, 'di ko malilimutang dumaan ulit sa North Wing para bumili ng burger. The best burger na natikman ko ever! Para akong magkakapakpak pag natitikman ko yung burger sa North Wing! (OA lang.) Kahit walang imik si Kuya at para syang si Puss in Boots na may nakaka-awang mata, binabalik-balikan ko padin yung burger nya. May hinalo ata syang potion don e. (Baliw lang.) May dalawang slice ng fresh tomato, dalawang slice ng cucumber, crunchy at fresh na lettuce, bagong bago na mga buns, lutong luto na beef patty, mayo, catsup, at free tissue. Napapasabay ako sa indak ng tugtog sa earphones ko na parang ang saya saya ko kahit ang pinapakinggan ko ay Back to December ni Taylor Swift.


Haay. Kaya lang ngayon, reminisce nalang nagagawa ko. Graduate na kasi ako e. Sana pala nagdrop ako ng isang subject noon para pumapasok padin ako ngayon. CHAROT! HAHA! :))


Pero gaya nga ng sabi ko, yung burger at beef submarine, dalawa lang sila sa kumumpleto ng buhay ko sa PUP. Gusto nyong malaman kung ano yung iba? Yung 4th floor West Wing na tinatyaga kong akyatin kahit magka-muscle ang binti ko dahil nandoon ang mga taong 'to: mga Professors namin na sobrang giliw magturo kahit ang dami nilang turo. Nakaka-inspire sila na kahit pang-5th na kaming klase na tuturuan nila, nakangiti padin sila at mataas padin ang energy; Yung mga classmates ko (ABE 4-2D) na kahit maloloko, may mga sariling paninindigan at magagaling sa buhay; Yung GGFG na hindi lang mga ka-banda kundi mga forever friends ko. Sila yung nagtupad sa pangarap kong makapagperform sa stage dahil sa hilig namin sa music. Hehe; Yung ABE 4-3D na kapatid ng section namin. Mga kalog at sobrang babait; Si Ate na nagbebenta ng chichirya at the best na tikoy at nagru-room to room; Yung apat na sulok ng silid namin na akala ko nung una silid lang sya. Hindi pala. Naging tahanan ko 'to ng apat na taon kasama yung mga kapatid ko at ang napaka-dami naming mga magulang. Lahat sila namimiss ko. Hindi lang yung beef submarine at yung burger...


Friday, July 20, 2012

Build Bridges, Not Walls.


I want to take this opportunity to share to you a story of the broadness of communication and how it can build bridges and also walls between people.

I was able to keep track of the life of this very familiar boy from the past. He was not like the other boys who would stay out to play with friends and laugh together; rather, he’d stay at home all day and spend his hours in front of the computer. He doesn’t like making friends with other kids. He’d refuse every invitation to a party. He doesn’t want sharing his problems with his parents. He was a quiet guy. But there came a time when he fell into realization that he should change himself. That boy worked hard to make new friends by speaking up to them and he won friends. He felt good. He thought that communicating merely is enough. He met the girl of his dreams. They got to know each other, dated, and he courted her. But like any other love story, theirs was not a fairytale. Yes they talk but there is no direction. Yes they communicate but all they shared was heartache. Then, they stopped communicating.

Communication is indeed one of the most vital aspects of a successful relationship. It is a two-way process of reaching mutual understanding, in which participants not only exchange information but also create and share meaning. All communications can help a relationship grow or wither. Lack of communication in a relationship can result in hasty decisions that can even lead to separation. Let’s go back to the main theme of this speech: Communication building relationship. This theme has two faces: “Bad Communication Builds Walls in a Relationship” and “Effective Communication Builds Bridges in a Relationship.” In order for us to build a healthy relationship, we need to be effective communicators. When we are effective communicators, we would probably produce the result we desire. No matter how well you know and love each other you need to keep your communication alive. We need to communicate clearly so that we can avoid misunderstandings that may cause hurt, anger or confusion. But in order for us to build a strong relationship with the aid of communication, we should also be a good listener. Oftentimes, we miss this part. We talk so much that we sometimes forget to listen.

He lost the girl he adored because they both invested bad communication before. It caused walls between them and hatred in their hearts. But like any other love story, theirs is a true gift. Despite the walls surrounding them, they are blessed for they’ve seen a small hole of hope. This became they’re foundation to start a new beginning. They worked hard to gain what is truly theirs- bridges, and not walls.

Communication is a skill that you can learn. It's like riding a bicycle or typing. If you're willing to work at it, you can rapidly improve the quality of every part of your life. Friends, let us not be just communicators. Let us all be effective communicators for us to build bridges and not walls.

Saturday, July 14, 2012

Buhay at Pananampalataya

“Manatili kang masaya kahit na ika’y nangangamba.” Sa unang dinig, mahirap gawin ngunit kung iyong pagninilayan, ika’y maliliwanagan. Ang talumpati ko’y hindi lamang pumapaksa sa kaligayahan. Sinasaklawan din nito ang buhay, pag-asa, pag-ibig, at maaaring pati kamatayan.

Minsan kong nasaksihan sa aking panaginip ang pag-iibigan ng isang lalaki at isang babae. Isang kwento ng pag-iibigan na pinuno ng pagsubok ng panahon. Ang babae ay simple lamang. Walang espesyal sakanya. Samantalang ang lalaki’y hindi tulad ng ibang lalaki. Siya’y nagtataglay ng karamdamang tila ‘di magawang malunasan- Leukemia. Bago pa man maging sila’y batid na ng babae ang kalagayan nyang ito at buong puso niyang tinanggap ang hamon ng pag-ibig. Ano ang gagawin mo kung ang taong pinakamamahal mo’y binibilang na lamang ang oras, araw, lingo, buwan na tila ang paggalaw ng kamay ng orasan ay nagbabadya ng kanyang papalapit na pamamaalam? Nagising ako sa panaginip na iyon at naaninag ko ang pamilyar na mukha. Na tila nakita ko na kung saan ang mukhang iyon. Hindi pala iyon panaginip. Katotohanan. Ako ang babae, at si Yeish ang lalaki.

Pinili kong ibahagi sa inyo ang aming istorya hindi upang kami’y kaawaan kundi upang kayo’y bigyan inspirasyon at kaliwanagan.

Sa pagbaybay ko sa buhay mula ng pagtagpuin ang aming mga landas, hindi maiaalis sa akin ang matakot- matakot sa kung anong posibleng mangyari. Apat na buwan akong pinaluha ng takot na iyon ngunit naisip kong hindi ko kailangan ng takot. Ang kalaban ng kaligayahan ay hindi kalungkutan. Ang kalaban ng kaligayahan ay hindi mga problema. Ang kalaban ng kaligayahan ay hindi ang pag-iisa. Ang kalaban ng kaligayahan ay ang TAKOT. Upang manatiling masaya, kailangan nating labanan ang takot. Ngunit paano nga ba? Nalaman kong mayroong isang bagay na kayang labanan ang takot. Isang bagay na mas makapangyarihan kaysa takot. Ang tanging lunas sa takot ay PAG-IBIG. Kapag pinuno mo ng pag-ibig ang iyong buhay, kusang maglalaho ang takot sa iyo.

Dahil sa karamdaman niya, maraming nagbago sakanya. Mabilis na siyang mapagod, madami ng bawal gawin, bawal kainin. Minsan nga noong sinabi ko sakanyang “Ienjoy mo lang bawat oras ng buhay mo.” Sinagot niya sa akin, “Paano ko maeenjoy buhay ko kung hindi ko na magawa yung mga dati kong ginagawa?” Mga kamag-aral, kung ano man ang iyong kahinaan, ang susi upang labanan ito ay ang hindi pagpansin dito. Huwag mong pagtuunan ng pansin ang mga bagay na wala ka, bagkus pagtuunan mo ang kung anong meron ka. Huwag mong bigyang pansin ang iyong kahinaan. Pagtuunan mo ang iyong kalakasan.

Habang isinusulat ko itong aking talumpati ay nakatanggap ako ng mensahe mula kay Yeish. Sabi nya, “Natatakot po ako, eh. Pinipilit ko naman po siyang labanan, pero wala po talaga. Dun sa mga nababasa ko mahaba na yung months para mabuhay sila.” Sinagot ko siya. Sinabi ko, “Nawawalan ka na ba ng pag-asa? Alam mo po, halos lahat posible sa taong naniniwala. Kung anong pinaniniwalaan mo, yun ang maaaring mangyari. Kung takot ang nararamdaman mo, hindi maganda ang maaaring mangyari pero kung may pananampalataya ka, ang Diyos ang bahala sa iyo. Kaya nga hanggang ngayon hindi ako nawawalan ng pag-asa na magiging okay din ‘to.”

Ang pananampalataya at takot ay tila magkaiba ngunit kung ating susuriin kung ano nga ba ang takot at pananampalataya, masasabi nyong sila’y magkatulad- kapwa sila PANINIWALA. Ang pananampalataya’y naniniwala na magandang bagay ang mangyayari samantalang ang takot ay naniniwala na masamang bagay ang mangyayari. At dahil sila’y paniniwala, sila’y makapangyarihan. Dahil ang paniniwala ang bumubuo sa ating realidad. Sabi nga sa bibliya, kung ano ang iyong pinaniniwalaan ang siyang mangyayari. Ang takot ay naghahangad ng problema at ang pananampalataya’y naghahangad ng mabubuting kaloob.

Pahalagahan mo ang oras at ang buhay mo. Siguraduhin mong ang bawat kilos mo’y hindi mo pagsisisihan. Gaya ng sabi ni Yeish, “Pahalagahan mo ang oras hangga’t nandiyan pa ang taong mahal mo dahil maaaring kausap mo siya ngayon, masaya kayo, pero ang hindi mo alam wala na siya bukas. Hindi dahil mahal mo ang isang tao hindi na siya mawawala sayo. Kadalasan, kung ano ang pinahahalagahan mo, yun ang madalas kinukuha sayo.”

Inaamin kong mahirap tanggapin na balang araw, kinakailangan niyang iwan ang kanyang katawang-lupa at mamuhay sa ikalawa niyang buhay. Kung mangyari man iyon, hindi ko gagawing magpaalam sakanya dahil hindi naman sya maaalis sa puso ko. Ang katawang lupa lang niya ang lilisan, hindi ang mga kagandahang ibinahagi niya sa akin. Ang kamatayan ay bahagi ng buhay. Ang huling bahagi.

Hindi ko alam kung matatawag na oportunidad ang pagkakataong makapaghatid ng talumpati sa inyo para maibatid ang kagandahan ng buhay kung may pananampalataya, pagpapahalaga, at pag-ibig. Manatili kang masaya kahit na ika’y nangangamba. Manatili kang positibo kahit na ang tadhana na ang tutol sa inyo.

PNR LOVE STORY (Based on True Story, our Story)

December 2010 noon. 3rdyear college ako at kumukuha ng kursong AB English sa PUP Sta. Mesa. Eto yung mga panahong gustong gusto kong magmadre e kaso wala vacancy doon sa kumbento na malapit sa amin kaya postponed. Lagi akong sumasakay ng tren- kami ng PNR buddy ko na si Licelle. Sa liit at payat namin na 'to, akalain niyo bang nakikipagbrasuhan kami makasakay lang? Totoo. Pero isang araw noong Disyembre sa taong 2010, may 'di inaasahang nangyari. O wag kabahan! Magandang pangyayari 'to na 'di inaasahan. :) Hapon no'n. Uwian na namin, may dala akong violin at as usual, tren ang mode of transportation namin pauwi ng bahay. Hinatak ako ni Licelle sa puro lalake. Kasi daw sure daw na makakaupo kami don dahil babae kami pero syempre di kami nakaupo. HAHA! :D Ibinaling nalang namin yung sakit ng paa at pagka-ngawit namin sa mahabang pagkakatayo sa pagkukwentuhan. Si Licelle yung tipo ng babae na kapag nagkwento, lahat ng tao sa paligid namin maririnig ng malinaw yung sinasabi nya; malakas kasi boses nya at may nakakatuwang mga expressions. Sa mga oras na yon pinagkukwentuhan namin si Princess Velasco. Naku! Idol ko talagang singer yon. Ang ganda na, ang galing pa kumanta! Sa lakas ng kwetuhan namin, napansin ko yung lalakeng naka-green na pants na nakikinig sa pinag-uusapan namin. College student din at mukhang sa FEU nag-aaral. Chinito at 'di katangkaran (pero mas matangkad naman sakin. Ambisyosa lang kung sabihin kong mas matangkad ako. :D) Naka-beanie din sya. Attracted talaga ako sa chinito kaya nung nagkatitigan kami, I was like "Oh no! Chinitow!" Hmm. Saan kaya sya bababa? "Ba-bye Shang!" Ay Bicutan na pala. "Ba-bye Licelle!" Wala na akong kasama hanggang Alabang. Aba teka, di pa bumababa si Mr. Chinito. Yeah! :D Pagdating ng Alabang, parehas kaming bumaba pero mas nauna sya. TRIVIA: Pag mag-isa lang ako, mabilis ako maglakad. Kaya ayon, naunahan ko sya. Sasakay sana kami sa iisang jeep kaya lang mukhang nagdalawang isip sya at 'di na sumakay.

Nasa apat na beses kaming nagkasabay sa tren. Ang galing nga e! Do'n mismo sa car kung saan ako napapasakay. Doon ako nag-umpisang maniwala sa destiny. Pero pagkatapos ng apat na beses, di na kami nagkasabay. Haay. Di ko man lang nalaman pangalan nya. Imposible nadin sigurong magkasabay kami ulit.

March 2011 may nag-add sa akin sa Facebook. JF Bergado? Di ko naman kakilala. Sige na nga! Accept lang ng accpet! Pero dahil sa message nyang pinadala, nakilala ko sya. "Hi Ms. Castrillo. Thank you sa pag-accept. Di mo siguro ako naaalala pero nagkakasabay tayo dati sa tren. Nakita kita sa friend list ng bestfriend ko kaya inadd kita. :)" OWMERGERD! Si Mr. Chinito! Sya nga! Dali dali akong nag-reply, "Oo! Oo! Naaalala kita! Yung naka-green pants! Yung chinito! Yung laging naka-bonet!" Pero mukhang sumablay yata ako sa huli kong sinabi dahil sa nireply nya, "Beanie po 'yon. Hindi bonet." Napahiya man ako, okay lang! :D

Simula noon, nag-umpisa na kaming magka-chat. Mga casual na bagay lang pinag-uusapan namin- tulad ng estranghero na gustong malaman kung anong pagkatao mo. Pero isang araw, yung hinihintay ko noon aksidenteng dumating- ang pagmamadre. "Hello Shang! Ako si Sister Julienne. Gusto mo daw magmadre? Welcome ka sa kumbento namin after mong maka-graduate. See you Shang!" Tumatak sa isip ko yung mga salitang iyon. Sa katunayan umiyak pa nga ako. Dali dali akong nag-online. Di ko keri na angkinin ko lang 'to. Pero, SHOCKS! Wala man lang online sa mga kaibigan ko! Bukod kay JF na kakakilala ko lang...

(CHAT)
Shang: Hindi ako makapagdecide. Di ko alam gagawin ko. Hihintayin daw ako ni Sister Julienne pagka-graduate ko.
JF: Piliin mo kung ano yung makakapagpasaya sayo. Kasi kahit tanungin mo yung ibang tao kung anong gagawin mo, desisyon mo padin ang masusunod. Pero alam mo, sayang ka.
Shang: Anong sayang?
JF: Wala. :)

Mas naging madasalin ako pagtapos noong pag-uusap namin ni Sister Julienne, "Lord, kung para po ako sa pagmamadre, yun po sana ang mangyari. Pero kung hindi po, ipakilala nyo po sakin yung lalakeng magpapatunay na hindi ako para doon. Amen."

Lumipas ang napakadaming araw at mas madalas kaming nagkaka-chat ni JF. Liligawan kaya ako nito? Hindi siguro. E mas interesado pa 'to sa DOTA e. Kinuwento nya sa akin kung paano sya napadpad sa PNR noong unang araw na nagkasabay kami. Nakipagpustahan daw siya sa DOTA non at dahil minalas, natalo. At ang kamalas-malasan pa, walang natira sa kanyang pera pauwi kaya nanghiram sya sa kapatid nya ng pera at binigyan sya ng 23 pesos. Mag-PNR daw sya. Bwisit na bwisit daw sya non kasi ayaw nya sa siksikan at mainit e. Habang nasa byahe daw nakarinig sya ng dalawang babae na ang lakas magkwentuhan (Ehem! That's us!) at sa mismong oras daw na iyon na lumingon sya sa akin, nagandahan sya sa akin dahil daw sa kasimplehan ko suot ang favorite kong chocolate brown skirt na uniporme namin (Oh well! Ano pa nga ba! HAHA! :D). Doon nya inumpisahang magpaulit-ulit sumakay ng tren at nagbaka sakaling makasabay ako. Hindi ko inasahan ang sumunod...

June 10, 2011 noon. Sinabi nyang liligawan nya ako. Kahit daw wala syang pag-asa, atleast daw sinubukan nya. Di ko ma-explain kung anong klaseng kilig ang naramdaman ko non. Parang eksena sa telenobela na bumabagal yung oras at delayed yung paggalaw ng mga tao sa TV. Is it really happening?? Nakakasabay ko lang sa tren tapos ngayon nanliligaw na sa akin! Pagtapos nyang sabihin yon, sinagot ko sya ng matamis na, "Okay! 2 years. :)" Pero parang nabigla yata sya sa sinabi ko. Matagal ba ang 2 years? :))

November 27, 2011. Nasa rooftop kami ng bahay nila. Sinabi nya sa akin na wag na daw ako magmadre. Tinanong ko sya kung bakit. Simula daw ng nakilala nya ako natuto na daw syang magdasal at pumunta sa simbahan.Mas minahal nya na daw ang pag-aaral at may plano na sya sa buhay. Habang pinapakinggan ko 'yon, parang gusto kong umiyak pero mas pinili kong sabihin sa kanya na "Alam mo, pinagdasal ko noon na kung para ako sa pagmamadre, yon sana ang mangyari. Pero kung hindi, ipakilala Nya sana sa akin yung lalakeng magpapatunay na hindi ako para don. Tapos pinadala ka nya. Di pa ba obvious kung anong desisyon ko? :)" Madrama mang pakinggan ang susunod na linya pero umiyak kami parehas. Umiyak kami dahil sa saya. Pwede mong tanungin ang ibang tao kung anong gagawin mo o magiging desisyon mo. Pero sa bandang huli, ikaw padin ang pipili...

July 14, 2012. Madami nadin kaming napagdaanan. Tatlong beses ko na yata syang binusted pero nanatili padin sya. Ganon nya ako kamahal. At syempre, binigyan ko padin sya ng tsansa dahil mahal ko din sya. Nililigawan nya padin ako ngayon. Update ko kayo pag naging kami na!