Thursday, July 26, 2012

Break-up





"Ang sakit. Ang sakit-sakit Ate Shang. Di ko alam kung bakit nya ginawa yon." Paano kung ikaw ang nakatanggap ng tawag na gan'to ang sinasabi sayo? Isang tawag mula sa isang kaibigan na sobra mong pinahahalagahan at sobra mong mahal? Haay. Ramdam ko na sobra syang nasaktan. Halos 'di sya makapagsalita kakaiyak. Putol-putol ang mga salitang binibitiwan nya kakahikbi. Habang kausap ko sya sa cellphone parang gusto ko syang yakapin kaagad, kung posible nga lang talaga ang teleport. 

"Sya po yung nakipag-break sa akin." Pagkarinig ko ng mga salitang iyon, pinilit kong magbalik-tanaw sa naging pagsasama nila. Kung ang lalake ang nakipag-break, ibig sabihin ang babae ang problema? O nahihirapan sya sa babae? Inalala ko lahat. Lahat. Kung ano ba ang naging pagkukulang ng kaibigan ko, pero eto ang mga naproseso ng utak ko: Sya yung tipo ng babae na maya't maya mangamusta. Yun bang parang first time nila laging magkakausap at first time nyang maririnig ang boses ni lalake. Ayaw nya siguro ng ganon?; Sya yung tipo ng babae na ipamamalita sa lahat na "Eto ang boyfriend ko!" As in sa lahat. Sa pamilya, sa mga kamag-anak sa abroad, sa mga kaibigan, sa mga kaklase, sa facebook, sa twitter, sa tumblr, sa lahat. Ayaw nya din siguro na madaming nakakaalam?; Sya yung tipo ng babae na sa bawat araw na magkikita kayo, gusto nya may pictures together. Kahit kanino kasi ganoon sya. Gusto nya cherished ang bawat oras. Yung mababalik-balikan nya kahit sa litrato lang yung mga nangyari ng araw na yon. Siguro ayaw nya din ng masyadong nagpipicture?; Sya yung tipo ng babae na kahit kakalipas palang ng 1minuto na nag-I love you sya, uulitin nya ulit. Kilala ko kasi yon e. Minsan sa sobrang saya at sa sobrang in love sya, wala ng pagsidlan kaya nasasabi nya nalang I love you ng paulit-ulit. Ayaw nya siguro ng masyadong sweet?; Sya yung tipo ng babae na susuway sa curfew para lang mas makasama ng matagal yung taong importante sa kanya. Di bale ng mapagalitan sya sa kanila basta masisiguro nyang magiging memorable yung araw na iyon. Ayaw nya din siguro ng ganon?; Sya yung tipo ng babae na maya’t maya kang ipagdadasal. Hindi kasi sapat na pagmamahal lang nya ang ibuhos nya kundi pati ang pagmamahal ng Diyos. Ayaw nya siguro na lagi syang inaalala? Sya yung tipo ng babae na sobra magmahal. Sa sobrang magmahal, sobra na ding nasasaktan.

Break-up. Posible pala ang break-up kahit sobra-sobra mo ng minamahal yung isang tao. Kahit binibigay mo na ang lahat-lahat mo. Naisip ko lang, ano pa kayang kulang?

Naipaglaban nya ang salitang “Mahal Kita” sa kabila ng mga natuklasan nya noon. Umiyak sya. Nasaktan sya. Nahirapan sya. Nagpatawad sya. Nagbigay sya ng pangalawang pagkakataon. Mahal nya nga kasi e. Kaya kahit sinasampal na sa kanya ang mga salitang sa taong pinakamamahal nya nanggaling, nagbulag-bulagan sya. Saksi ako doon. Pero ayaw nyang making sa amin. Mahal nya daw at di nya kayang iwan. Di ko sya masisi sa mga oras na iyon. Pagkatapos nyang magpatawad at magbigay ng pangalawang pagkakataon, iniwan sya. Ang pinakamasakit sa lahat. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Nalulungkot ako na naiinis. Nalulungkot dahil nangyari ‘to, at naiinis dahil sa pangalawang pagkakataon at luha na nasayang. Hindi kasi lahat ng tao napagkakalooban ng pangalawang pagkakataon at maswerte sya noong mga oras na iyon.

Sa sarili kong pananaw, parehas silang may pagkakamali- dahil mabilis na nahulog si babae kung kaya't di nya masyadong nakilala si lalake, at sa pag-iwan ni lalake kay babae ng walang malinaw na dahilan. Pero gaya nga ng sabi ni Billy Crawford sa ex-girlfriend ni Yves ng PBB Teens sa Showtime kanina "Bata ka pa! Lalake lang yan! Napaka-daming lalake sa mundo na mas deserve mo kaya wag kang malulungkot!" 

Huwag kang malulungkot. Please, wag kang malulungkot. Pwede naman umiyak, pero sana sa mga susunod na araw tigilan mo na at ngumiti ka naman. Sa katunayan, proud ako sayo. Dahil 'yang mga luha na 'yan, simbolo yan na nagmamahal ka ng totoo. Di ka naman masasaktan kung hindi mo mahal ang isang tao. Pero 'di yan ang katapusan. Pag may kinuha sayo na mahalaga sayo, sinisiguro kong may kapalit na mas best pa dito. Di man siguro boyfriend, pero malay mo ang kapalit pala non ay mas matatag na IKAW.

Ngumiti ka naman dyan. Ang dami naming nagmamahal sayo o. :)


No comments:

Post a Comment