Sunday, July 22, 2012

Bakit ka Naghihintay?

Kung may isang oras na lamang na nalalabi sa buhay mo anong gagawin mo? Sino ang gusto mong makasama? Sino-sino ang sasabihan mo na mahal mo sila? Paano mo ipararamdam sa kanila na mahalaga sila? At kung sa oras na ito ay nabubuo sa isipan mo ang mga tao at mga bagay na maaaring naroon sa natitirang isang oras ng buhay mo balang araw, bakit mo ito pinagpaplanuhan kung pwede mo namang gawin na ngayon?


Marami sa atin ang nag-uubos ng oras magpayaman, magpaganda, magpasikat, at nagpupumilit makahakot ng napakaraming karangalan. Naisip ko lang, kung mamatay kaya ako at lahat ng mga mahal ko sa buhay ay naroon sa burol ko, sasabihin kaya nila na "Mami-miss ko sya kasi ang yaman nya.", "Mami-miss ko sya kasi ang ganda nya at sobrang sikat sya.", "Mami-miss ko sya kasi ang dami nyang medal na naiuwi sa bahay nila." Gusto kong maalala ng mga tao 'di dahil sa kung anong mayroon ako o sa katayuan ko. Mas gusto kong maalala nila ako dahil naging mabuti ako sa kanila. Siguro ganoon din naman kayo diba? Hindi ko na hihintayin ang matitirang isang oras ng buhay ko balang araw para lamang makasama ang mga taong mahalaga sa akin. Ang bukas ay parating pa lamang; ang mayroon tayo ay ngayon. Bakit mo pa ipagpapabukas na hagkan o halikan ang mga mahal mo sa buhay kung kaya mo naman gawin ngayon? Bakit mo pa hihintaying bawiin na sayo ang buhay mo bago mo sabihing mahal mo sila? Bakit mo pa sasaktan ang isang tao kung kaya mo namang gumawa ng kabutihan sa kanya? Bakit mo pa hihintaying malagas ang dahon sa iyong kapanahunan kung maaari ka namang magpatawad na ngayon? Bakit?

Ang paniniwala ko'y may buhay na naghihintay sa atin pagkatapos ng kamatayan. Yun nga lang, ang buhay na haharapin natin doon ay nakasalalay sa klase ng buhay na pinamumuhunan natin ngayon. Kung ang puhunan mo ay buhay na puno ng pagmamahal, bukal sa kabutihan, at may takot sa Diyos, nakasisiguro akong ang gantimpala mo'y sobra-sobra pa sa hinihiling mo- buhay kasama ang Lumikha. Ngunit, kung ang puhunan mo sa mundong ito ay buhay na puno ng galit, kasamaan, at kapusukan, kailangan ko pa bang sabihin kung ano ang karampatang gantimpala non?

Masasabi kong isang oportunidad na maipahayag sa inyo ang kahalagahan ng bawat segundo na nilalagi natin dito sa mundo. Maging mabuti ka lamang sa mga tao sa paligid mo. Yun lang naman ang hinihiling sa atin. At nasisiguro ko, pag dumating ang nalalabing isang oras ng buhay mo, 'di mo na kailangang mangamba dahil alam mong nakapamuhunan ka ng maganda.


No comments:

Post a Comment