Saturday, July 14, 2012

Buhay at Pananampalataya

“Manatili kang masaya kahit na ika’y nangangamba.” Sa unang dinig, mahirap gawin ngunit kung iyong pagninilayan, ika’y maliliwanagan. Ang talumpati ko’y hindi lamang pumapaksa sa kaligayahan. Sinasaklawan din nito ang buhay, pag-asa, pag-ibig, at maaaring pati kamatayan.

Minsan kong nasaksihan sa aking panaginip ang pag-iibigan ng isang lalaki at isang babae. Isang kwento ng pag-iibigan na pinuno ng pagsubok ng panahon. Ang babae ay simple lamang. Walang espesyal sakanya. Samantalang ang lalaki’y hindi tulad ng ibang lalaki. Siya’y nagtataglay ng karamdamang tila ‘di magawang malunasan- Leukemia. Bago pa man maging sila’y batid na ng babae ang kalagayan nyang ito at buong puso niyang tinanggap ang hamon ng pag-ibig. Ano ang gagawin mo kung ang taong pinakamamahal mo’y binibilang na lamang ang oras, araw, lingo, buwan na tila ang paggalaw ng kamay ng orasan ay nagbabadya ng kanyang papalapit na pamamaalam? Nagising ako sa panaginip na iyon at naaninag ko ang pamilyar na mukha. Na tila nakita ko na kung saan ang mukhang iyon. Hindi pala iyon panaginip. Katotohanan. Ako ang babae, at si Yeish ang lalaki.

Pinili kong ibahagi sa inyo ang aming istorya hindi upang kami’y kaawaan kundi upang kayo’y bigyan inspirasyon at kaliwanagan.

Sa pagbaybay ko sa buhay mula ng pagtagpuin ang aming mga landas, hindi maiaalis sa akin ang matakot- matakot sa kung anong posibleng mangyari. Apat na buwan akong pinaluha ng takot na iyon ngunit naisip kong hindi ko kailangan ng takot. Ang kalaban ng kaligayahan ay hindi kalungkutan. Ang kalaban ng kaligayahan ay hindi mga problema. Ang kalaban ng kaligayahan ay hindi ang pag-iisa. Ang kalaban ng kaligayahan ay ang TAKOT. Upang manatiling masaya, kailangan nating labanan ang takot. Ngunit paano nga ba? Nalaman kong mayroong isang bagay na kayang labanan ang takot. Isang bagay na mas makapangyarihan kaysa takot. Ang tanging lunas sa takot ay PAG-IBIG. Kapag pinuno mo ng pag-ibig ang iyong buhay, kusang maglalaho ang takot sa iyo.

Dahil sa karamdaman niya, maraming nagbago sakanya. Mabilis na siyang mapagod, madami ng bawal gawin, bawal kainin. Minsan nga noong sinabi ko sakanyang “Ienjoy mo lang bawat oras ng buhay mo.” Sinagot niya sa akin, “Paano ko maeenjoy buhay ko kung hindi ko na magawa yung mga dati kong ginagawa?” Mga kamag-aral, kung ano man ang iyong kahinaan, ang susi upang labanan ito ay ang hindi pagpansin dito. Huwag mong pagtuunan ng pansin ang mga bagay na wala ka, bagkus pagtuunan mo ang kung anong meron ka. Huwag mong bigyang pansin ang iyong kahinaan. Pagtuunan mo ang iyong kalakasan.

Habang isinusulat ko itong aking talumpati ay nakatanggap ako ng mensahe mula kay Yeish. Sabi nya, “Natatakot po ako, eh. Pinipilit ko naman po siyang labanan, pero wala po talaga. Dun sa mga nababasa ko mahaba na yung months para mabuhay sila.” Sinagot ko siya. Sinabi ko, “Nawawalan ka na ba ng pag-asa? Alam mo po, halos lahat posible sa taong naniniwala. Kung anong pinaniniwalaan mo, yun ang maaaring mangyari. Kung takot ang nararamdaman mo, hindi maganda ang maaaring mangyari pero kung may pananampalataya ka, ang Diyos ang bahala sa iyo. Kaya nga hanggang ngayon hindi ako nawawalan ng pag-asa na magiging okay din ‘to.”

Ang pananampalataya at takot ay tila magkaiba ngunit kung ating susuriin kung ano nga ba ang takot at pananampalataya, masasabi nyong sila’y magkatulad- kapwa sila PANINIWALA. Ang pananampalataya’y naniniwala na magandang bagay ang mangyayari samantalang ang takot ay naniniwala na masamang bagay ang mangyayari. At dahil sila’y paniniwala, sila’y makapangyarihan. Dahil ang paniniwala ang bumubuo sa ating realidad. Sabi nga sa bibliya, kung ano ang iyong pinaniniwalaan ang siyang mangyayari. Ang takot ay naghahangad ng problema at ang pananampalataya’y naghahangad ng mabubuting kaloob.

Pahalagahan mo ang oras at ang buhay mo. Siguraduhin mong ang bawat kilos mo’y hindi mo pagsisisihan. Gaya ng sabi ni Yeish, “Pahalagahan mo ang oras hangga’t nandiyan pa ang taong mahal mo dahil maaaring kausap mo siya ngayon, masaya kayo, pero ang hindi mo alam wala na siya bukas. Hindi dahil mahal mo ang isang tao hindi na siya mawawala sayo. Kadalasan, kung ano ang pinahahalagahan mo, yun ang madalas kinukuha sayo.”

Inaamin kong mahirap tanggapin na balang araw, kinakailangan niyang iwan ang kanyang katawang-lupa at mamuhay sa ikalawa niyang buhay. Kung mangyari man iyon, hindi ko gagawing magpaalam sakanya dahil hindi naman sya maaalis sa puso ko. Ang katawang lupa lang niya ang lilisan, hindi ang mga kagandahang ibinahagi niya sa akin. Ang kamatayan ay bahagi ng buhay. Ang huling bahagi.

Hindi ko alam kung matatawag na oportunidad ang pagkakataong makapaghatid ng talumpati sa inyo para maibatid ang kagandahan ng buhay kung may pananampalataya, pagpapahalaga, at pag-ibig. Manatili kang masaya kahit na ika’y nangangamba. Manatili kang positibo kahit na ang tadhana na ang tutol sa inyo.

No comments:

Post a Comment